28/06/2023
Tutulungan ba Ako ng Diyos Kapag Nanalangin Ako?
Ang sagot ng Bibliya
Oo. Tinutulungan ng Diyos ang mga taimtim na humihiling sa kaniya ng mga bagay na ayon sa kaniyang kalooban. Kahit hindi mo pa nasubukang manalangin, mapapatibay ka ng mga halimbawa sa Bibliya ng mga taong nanalangin ng ‘Diyos ko, tulungan mo ako.’ Halimbawa:
“Tulungan mo ako, O Jehova na aking Diyos; iligtas mo ako ayon sa iyong maibiging-kabaitan.”—Awit 109:26.
“Ako’y dukha at nangangailangan! Magmadali, O Diyos, na ako’y tulungan!”—Salmo [o, Awit] 69:6, Biblia ng Sambayanang Pilipino.
Siyempre, ang sumulat ng mga ito ay may matibay na pananampalataya sa Diyos. Pero nakikinig din ang Diyos sa lahat ng taimtim na lumalapit sa kaniya, gaya ng mga “wasak ang puso” at “may espiritung nasisiil.”—Awit 34:18.
Huwag mong isiping napakalayo ng Diyos at wala siyang pakialam sa iyong mga problema. Sinasabi ng Bibliya: “Si Jehova ay mataas, gayunma’y nakikita niya ang mapagpakumbaba; ngunit ang matayog ay kilala lamang niya sa malayo.” (Awit 138:6) Sinabi pa ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Ang mismong mga buhok ng inyong ulo ay biláng na lahat.” (Mateo 10:30) Nakikita ng Diyos ang maliliit na detalye tungkol sa iyo na hindi mo man lang alam. Kaya di-hamak na mas magbibigay-pansin siya sa iyong mga kabalisahan kapag hiningi mo ang tulong niya sa panalangin.—1 Pedro 5:7.